Hinabang sa Mananabang: Etnograpikong Pag-aaral sa Papel ng Mananabang sa Pagbubuntis (Mubudos) sa Brgy. Manobo, Magpet, North Cotabato

Authors

  • Phoebe Christine Mariscotes University of the Philippines Mindanao

Keywords:

Obo Manobo, Mananabang, Pagbubuntis, Boovolian, Lumawig, Etnograpiya

Abstract

Ang etnograpikong papel na ito ay pinag-aaralan ang mga gawi, lokal na kaalaman, at karanasan ng mga mananabang sa panahon ng pagbubuntis sa Brgy. Manobo, Magpet, North Cotabato. Ang mga mananabang ang pangunahing tagapagbigay ng serbisyo sa mga buntis dahil sa kalayuan ng mga ospital at hindi maayos na kalsada. Gumamit ng kwalitatibong pamamaraan—malalim na panayam at pagmamasid bilang kalahok—upang mangalap ng datos mula sa mga mananabang at mga ina o nagdadalang-tao, na sinuri sa antropolohikal na paraan. Ipinapakita ng pag-aaral na ang kalayuan ng kanilang lugar ay hindi ang pangunahing dahilan kung bakit mas pinipili nilang manganak sa kanilang mga tahanan. Ito ay dahil sa kaalaman at kasanayan ng mga mananabang na nagbibigay ng pakiramdam ng seguridad at kaligtasan. Sa panahon ng panganganak, sinasabi ng mananabang na may apat na aspeto ang kinakailangang bigyan ng maayos na pag-aalaga: ang ina, bata, inunlan (plasenta), at ang lumawig. Ang pamamaraan at karanasan ng mga mananabang ay bumuo ng "pagtitiwala" sa mga ina sa komunidad. Ang papel ng mananabang ay nagpapatuloy matapos ang panganganak, kung saan hindi lamang pisikal na kalusugan ang binibigyang-pansin kundi pati na rin ang pangkaisipang kalusugan ng ina. Bagaman may patakarang ipinagbabawal ang panganganak sa mga tahanan, nagpapatunay ang pag-aaral na ang mga lokal na gawi at kasanayan ng mga mananabang ay nagmumungkahi ng kanilang malalim na kaalaman hinggil sa kalusugan ng pagbubuntis at kabuuang kapakanan ng mga ina at bata sa kanilang komunidad.

Downloads

Published

2024-11-12

Issue

Section

Oral Presentation Session A3: Anthropology & Philosophy of Health